Itinuturong iligal na droga ang pangunahing ­motibo sa pagkakapatay sa abugado ng umano’y ‘narco-­politician’ na si Albuera mayor Rolando Espinosa Sr. ayon sa Philippine National Police (PNP).

Pinagsabihan na umano ni Albuera police chief Jovie Espenido si Atty. Rogelio Bato Jr., na kasama rin sa top contributors ni Espinosa noong May elections, dahil sa kanyang koneksiyon sa drug trafficking.

“Sinabihan ko na siya na sayang ang profession niya,” ani Espenido. “Marami ka namang pera na makuha hindi lang sa illegal drugs.”

Patay si Atty. Bato at kasama nitong ­16-anyos na estudyanteng babae matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang gunmen habang nagmamaneho sa Tacloban City, Leyte kamakalawa.