Isang abandonadong bahay sa exclusive subdivision ang sinuyod ng mga tauhan ng pulisya kahapon sa Lungsod ng Parañaque at aksidenteng nabuko na tambakan ito ng mga chop-chop na parte ng sasakyan at gina­gawa umanong drug den.

Natagpuan ng mga awtoridad ang nakakalat na parte ng mga motorsiklo, mga plaka at ibang makina ng pira-pirasong mga sasakyan sa loob ng abandonadong bahay sa Brgy. Moonwalk, ng naturang lungsod.

Ayon sa mga tauhan ng Parañaque City Police,­ dakong alas-10:00 ng umaga nang makatanggap sila ng tip sa mga residente na merong mga kahina-hinalang lalaki na pumapasok sa tatlong bakanteng bahay.

Agad naman nagsa­gawa ng operation ang mga awtoridad  at nadatnan ang dalawang lalaki na kinila­lang sina Anthony Pepito at Richard Berandoy.

Narekober sa lugar ang tatlong bulto ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang na P30,000.

Nakumpiska rin ang dalawang ‘di pa mabatid na kalibre ng baril, drug paraphernalias, apat na motor, at magkakahiwalay na parte ng sasakyan.

Hinala ng mga awtoridad, isa lamang ito sa mga bahay na ginagamit ng sindikato na nasa likod ng mga iligal na gawain.

Ayon kay Senior Inspector Federico Halog, hepe ng Police Community Precinct (PCP-6), malaking grupo ang nasa likod nito dahil kumplet­o umano ang mga gamit na pang-chop-chop sa mga motorsiklo.

May closed-circuit television (CCTV) ring nakakabit sa gate ng bahay at ito ay kanila na rin binubusisi upang makilala pa ang ibang pang nag-o-operate sa lugar.

Bukod sa pag-chop-chop ng sasakyan, ginagawa rin umanong drug den ang naturang bahay.