Anim na katao ang naaresto matapos sala­kayin ng pinagsanib na mga operatiba ang isang drug den sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City Sabado nang gabi.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency-national Capital Region (PDEA-NCR) Regional Director Joel Plaza ang mga suspek na sina Sander Maulapat alyas Benok, 21, drug den maintainer; Lester Pintac, 23; Terryboy Afable, 22; Felix Talisic, 21; Jesus Tupaz, 42; at Raymond Sequito, 28.

Nangyari ang pagsa­lakay dakong alas-7:20 nang gabi sa Informal Settler Compound sa Agham Road, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa.

Ayon kay Plaza, isinailalim muna sa halos isang buwan na surveillance ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek matapos makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na gawain ng mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong plastic sachet ng shabu na may timbang na 15 gramo at nagkakahalaga ng P102,000 at mga drug paraphernalia.

Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kasama ng PDEA sa isinagawang raid ang mga operatiba ng QCPD. (Dolly Cabreza)