Drug-free ‘Pinas abot-kamay na nga kaya?

Sa puspusang kampanya ng gobyernong Duterte laban sa iligal na droga maideklara nga kayang drug-free ang bansa?

Ganito ang usap-usapan dahil sa maigting na kampanya kontra iligal na droga ng ating pamahalaan.

Sabi mismo ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dating ­naging pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng rehimeng Estrada ay ngayon lamang siya nakakita ng gobyerno na talagang buo ang loob na labanan ang iligal na droga.

Sabagay hindi lamang si Sen. Ping ang may ganitong pananaw dahil halos lahat ng mamamayang Filipino, lalo na ang mga nagluklok kay Pangulong Rodrigo Duterte sa poder.

Dahil sa mga ganitong klaseng pananaw ay talagang hindi ­malayong magkaroon tayo ng isang bansang ligtas sa iligal na droga.

Pero ang sa amin kailangang tutukan ang problemang ito. Hindi­ porke naaresto at naitumba na ang ilang sangkot sa iligal na droga ay tapos na ang ating laban sa ipinagbabawal na gamot.

Dapat ay maging tuluy-­tuloy ang pagkilos ng pamahalaan hindi lamang sa paraan ng pag-aresto sa mga sangkot sa operas­yon nito kundi hanggang sa tuluyang pagharang sa utak at gala­may ng mga ito na makapag-operate sa ating bansa.

Alam nating matagal-tagal pa ang laban pero naniniwala kaming­ darating ang takdang panahong malilipol din ang mga ito ibigay lamang ng taumbayan ang suporta sa gobyerno.