Drug group leader, bulagta sa engkuwentro

Patay ang leader ng isang drug group na nasa talaan din ng Regional High Value Individual (HVI) ng CALABARZON PNP matapos makipagbarilan sa mga pulis sa operation sa Calamba City, Laguna Huwebes ng tanghali.

Kinilala ng Laguna PNP ang nasawi na si Braian Alcasabas, 33 anyos, leader ng Baying drug group at isa umano sa mga big time drug pusher ng Calamba City at mga karatig-lugar.

Narekober dito ang nasa 30 gramo ng shabu na tinatayang may Dangerous Drug Board (DDB) value na P625,000.00.

Batay sa report ng pulisya, hahainan dapat ng mga tauhan ng PIB at PDEU ng Laguna Police Provincial Office at Calamba City police station ng warrant of arrest ang suspek para sa kasong homicide sa kanyang tahanan sa Barangay Parian nang mangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali.

Pinaputukan umano ng suspek ang mga papalapit na awtoridad na gumanti naman ng putok.

Agad nasawi ang suspek at nabawi dito ang isang kalibre .45 baril. (Ronilo Dagos)