Dahil sa mababang porsiyento ng conviction rate ng mga nasasangkot sa kalakaran ng bawal na gamot pinag-aaralan na ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pag-amiyenda sa ilang probisyon ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ganitong paraan ay matatapalan aniya ang butas sa batas na nagiging daan sa aregluhan ng mga kaso.
Binanggit ni Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na sa kanyang pagdalo sa National Security Council (NSC) meeting kamakailan ay natalakay ang mababang conviction rate laban sa iligal na droga.
“…Minention ‘yung conviction rate, dismissal rate ng mga kaso nakakagulat dahil napakalaki ng porsiyentong nadi-dismissed,” sabi ni Lacson sa isang panayam kahapon ng hapon.
Nasa mahigit 74% aniya ang nadi-dismiss na kaso na may kaugnayan sa iligal na droga at ang nako-convict lamang ay mahigit sa 25%. Dapat talaga aniyang sipating maigi ito sa panig ng prosekusyon o rebyuhin ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“May input akong nakukuha sa mga legal luminaries na dapat talagang i-revisit, may mga dapat i-amend sa Dangerous Drugs Act. Ang isang nabanggit sa akin yung sa Section 21 na kung saan kasi pinaghiwalay ang use at ang possession,” dagdag nito.