Ibinunyag ni dating Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group chief at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagdinig ng Senado kahapon na isang naarestong Chinese drug lord ang nanuhol diumano ng P50 milyon sa mga pulis kapalit ng pagpapatakas sa kanya.

Nasakote umano si Johnson Lee sa buy-bust operation ng mga pulis noong Nobyembre 23, 2010 sa Pampanga. Pero nagawa nitong makatakas at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Subalit dinala umano si Lee sa mga pulis sa Mexico, Pampanga nang tangkain nitong suhulan ang mga opisyal ng barangay para palayain na lang siya.

Sinabi pa umano ng mga testigo, na hindi si Lee ang iniharap sa press conference ng police team na nagsagawa ng buy-bust operation kundi isang Chinese national na nagnga­ngalang Ding Wenkun.

“It turned out during presentation it was not Johnson Lee they arrested but another Chinese. Ang sabi nila (witnesses), ‘hindi naman ‘yan ang nahuli, iba naman itong iprinisen­ta,’” ayon kay Magalong batay umano sa sinabi ng mga testigo.

Napag-alaman pa ni Magalong na nagbayad umano ng P50 milyon si Lee sa mga pulis para sa kanyang paglaya.

“Pinatakas nila si Johnson Lee at kumuha sila ng isa pang Chinese suspect. According to our sources, si Johnson Lee po ay nagbayad ng around 50 million for his freedom,” ayon pa kay Magalong.

Nang malaman ni Chief Superintendent Raul Petrasanta, dating Region 3 police director, agad nitong sinibak sa puwesto si dating Senior Superintendent Oscar Albayalde na siyang Pampanga police provincial director noon.

Agad umano siyang nagsagawa ng imbestigasyon at naghain ng kaso laban sa group ng mga pulis na pinamunuan ni Supt. Rodney Balayo subalit hindi na alam ang nangyari sa kaso matapos magretiro noong 2016.

Noong 2017, na-demote ang 13 pulis na sangkot sa naturang operas­yon matapos ipag-utos ni noo’y Region 3 police chief Amador Corpuz.

Sinabi naman ni Justice Menardo Guevarra na nirerebyu pa ang re­solusyon para sa demotion ng 13 pulis.

Samantala, iniha­yag naman ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino sa pagdinig ng Senado kahapon na kanila nang tinutugis si Lee na kabilang aniya sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“He’s in the PRRD list, which means that it’s va­lidated that he’s a drug lord,” pahayag ni Aquino. (Dindo Matining)