Sa kulungan bumagsak ang isang driver na umano’y kilalang drug pusher din nang maaresto ito sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Chief Inspector Jowilouwie Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, ang suspek na si Ernesto Francisco Jr., 23-anyos, na naninirahan sa No. 1162 Que Grande St., Brgy. Ugong sa nasabing lungsod.

Ayon kay Bilaro, matagal na nilang minamatyagan ang suspek dahil sa pagbebenta nito ng shabu sa kanilang lugar.

Dakong alas-tres ng madaling-araw ikinasa ng mga tauhan ni Bilaro ang buy-bust operation sa lugar ng suspek kung saan isang pulis ang nagpanggap na bibili sa kanya ng shabu.
Matapos iabot ang P500 marked money kay Francisco ay dinakma ito ng mga pulis.

Nasamsam mula sa suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Kinasuhan si Francisco ng paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 at walang inirekomendang piyansa ang piskalya.