Drug queen Yu Yuk Lai buhay mayaman sa correctional

Nagmistulang buhay mayaman ang tinaguriang ‘Drug Queen’ na si Yu Yuk Lai nang makumpiskahan ng tinatayang P100,000 cash kahapon habang nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Nabisto ang sinasabing tagong yaman ni Yu sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology.

Bukod sa drug queen, isang preso rin ang nakuhanan ng P150,000 cash.
Ilang sachet din ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga bilanggong babae. Nasamsam din sa loob ng pasilidad ang mga game gadget, solar battery maging mga alahas.

Itinanggi naman ni Yu na ang nasamsam na pera ay konektado o mula sa iligal na transksyon sa droga.

Dahil sa insidente, ayon kay BuCor chief Gerald Bantag ay nahaharap ngayon sa disicplinary action ang mga sabit sa sorpresang inspeksyon.

Sususpendihin din anang opis­yal ang visiting privilege ng mga presong nakuhanan ng mga kontrabando.