Drug raid sa Alabang Town Center

Arestado ang isang lalaki at dalawang babae sa ikinasang buy-bust ope­ration ng mga awtoridad sa Alabang Town Center sa Muntinlupa City kung saan ay nakumpiska rin sa kanila ang may 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P50 milyon kahapon ng tanghali.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang tatlong nadakip na sina Norodian Gumadel, 28-anyos, may asawa, ng New Lower Bicutan, Taguig City; Lady Jane Flores, 24-anyos, da­laga, nakatira sa Block 25 Lot 33 Green Valley, San Nicolas 3, Bacoor, Cavite; at Regina Inocencia San Miguel, 40-anyos, ng Phase 6 No. 16 Apartment B, Cadena De Amor St., Pacita 1, San Pedro, Laguna.

Naaresto sila ng pinagsanib na grupo ng PDEA, Southern ­Police District (SPD) at Muntinlupa Police.
Bago naganap ang buy-bust ay nakatanggap umano ng impormasyon ang PDEA kaugnay sa iligal na gawain ng mga suspek kung kaya’t ikinasa ang operasyon.

Isang tauhan ng PDEA ang nagpanggap na bibili ng shabu sa mga suspek at nagkasundo sila na magkita sa parking area ng Alabang Town Center.

Habang nasa aktong iaabot na ng mga suspek ang isang kilo ng shabu na bibilhin ng tauhan ng PDEA ay dito na lumabas ang iba pang awtoridad at dinakma ang tatlo.

Nakumpiska sa kanila ang limang ­pakete ng shabu na nasa 10 kilo at nagkakahalaga ng P50 milyon.

Pero hindi pa dito nagtapos ang buy-bust operation dahil ikinanta umano ng tatlo ang isang Chinese national kung saan sila kumukuha ng droga kung kaya’t nagsagawa pa ng follow-up operation ang mga awtoridad.

Kasunod na naaresto ang Chinese national na kinilala pa lang sa pangalang “Mr. Lim” dakong alas-tres ng hapon sa Chino Roces Avenue, Brgy. Pio del ­Pilar, Makati City matapos na kumagat din ito sa buy-bust operation kung saan nagpanggap na bibili ang mga ­awtoridad ng isang kilo ng droga.

Dalawang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon ang nakumpiska sa suspek pati na ang isang pouch bag na naglalaman ng hindi pa mabatid na kabuuang halaga ng tig-P100.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA ang mga suspek.