Drug reformists sa N. Ecija pinaalalahanan

“Huwag kayong matakot umiwas, lalong huwag kayong matakot tumanggi sa alok!”

Ito ang mahigpit na bilin ni P/Supt. Joe Neil Rojo sa may 37 drug reformists na nagtapos sa Bahay Pagbabago, Talavera, Nueva Ecija noong Biyernes.

Sa idinaos na closing ceremonies pagkatapos ng dalawang linggong reformatory sessions hinikayat ni Rojo ang mga reformists na makipag-ugnayan sa kanilang mga barangay captains upang makalahok sa mga gawaing tungo sa pagiging produktibong mamamayan.

Nabatid mula kay Mayor Nerivi Santos- Martinez na ang bilang na 1,800 drug surrenderers dito ang pangalawang pinakamataas sa Nueva Ecija, kasunod ng Cabanatuan City na umabot sa mahigit 5,000.

Nangako pa Mayor Santos-Martinez na sa tulong ng Alalay Sa Kaunlaran Inc. (ASKI) ay pagkakalooban ng pagsasanay ang mga reformists upang magkaroon ng marangal na hanapbuhay.

Pinaalalahan pa ang mga reformists na kapag hindi isinapuso at isinaisip ang pinagdaanan sa Bahay Pagbabago, dalawa lang kanilang kahahantungan, kulungan o mapabilang sa istadiska ng mga tumitimbuwang.