Bangkay na bumulagta ang isang drug suspek habang dalawang binatilyo naman ang nasugatan matapos ang umano’y walang habas na pamamaril ng isang maskarado at armadong suspek sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Sa report kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) tadtad ng tama ng bala sa kanyang katawan at namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan ang biktima na nakilala lang sa alyas ‘Renold Tangkad’ nasa 30-37 ang edad, medium-built, fair complexion, nakasuot ng kulay blue na pantalon at nakatira sa No. 30-Rosal St., Brgy. Payatas A, ng nasabing lungsod.
Ginagamot naman ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang dalawang binatilyo na itinago sa mga alyas na ‘Intoy’, 15; at ‘Bapbap’, 13. Base sa report kay Eleazar, nangyari ang insidente dakong alas-3:45 ng hapon nitong Lunes sa mismong harap ng tirahan ni alyas ‘Renold’ nang pagbabarilin ito ng maskaradong suspek.
Ayon sa naging pahayag kay SPO1 Marvin Masangkay ng CIDU ng saksing si Marco Rodriguez, nasa loob umano siya ng kanyang tindahan nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at ilang sandali lang ay nakita niya umano ang suspek na nakasuot ng maskara at kulay itim na jacket at parang walang nangyaring naglalakad patungo sa direksyon ng IBP Road.
Doon din niya napansin ang nakabulagtang biktima at ang dalawang menor-de-edad na parehong may tama ng bala sa kanilang katawan at hita na agad isinugod sa hospital.
Sa isinagawang pagsisiyasat ay narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala at dalawang transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.