Patay ang isang drug suspect makaraang makipagbarilan sa mga pulis habang limang katao kabilang ang tatlong babae ang nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib­ na puwersa ng Taguig City Police at Cubao Police Station 7, Quezon City Police District (QCPD) kahapon nang hapon sa Taguig City.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Alex Abdul, nasa hustong gulang.

Kinilala naman ang limang nadakip na sina Romeo Santisas y Militante, 41; Maria Cristina Barrera y Baylon, 28, ng No. 24 Famela St., Brgy. South Signal Village, Taguig City; Jenelyn Poja y Magtang, 31, ng no. 42-S Lt. R. Cruz. St., Brgy. Bangbang, Taguig City; Mariza Selamor y Cledoro, 30, nakatira sa no. 12, Luzon St., South Signal Village, Taguig City; at si Mark Ronnel Padilla y Caguimbal, 20, No. 3 Herba St., South Signal Village, Taguig City.

Ayon kay Police Colonel Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police dakong ala-1:27 ng hapon nang magkasa ng operasyon ang Taguig at Cubao Police Station sa No. 24 Abat at Famela St., Brgy. South Signal Village, Taguig­ City kung saan napatay si Abdul.

Nadakip naman ang limang kasamahan nito na nagbabagsak ng droga sa area ng Cubao.

Nasa 300 gramo ng shabu ang narekober ng mga pulis mula sa mga suspek, isang kalibre .45 pistol at mga bala.