LA TRINIDAD, Benguet — Namatay ang dalawang umano’y drug suspects matapos makipagbarilan sa mga tumugis na pulis sa Upper Tomay ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga napatay na sina Jerry Toda at Allan Lorenzano.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa umano ng drug buy-bust operation ang Regional Intelligence Unit, Provincial Anti-Illegal Drug Unit at La Trinidad PNP ngunit nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon kaya agad na pinaharurot ang kanilang van (RDE-107) na sinundan ng mga pulis.
Pagsapit sa naturang lugar ay nagpaputok na umano ang mga suspek kaya gumanti ang mga awtoridad kung saan napuruhan ang dalawa.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .38 at isang caliber .45 na baril, maliban pa sa limang sachet ng hinihinalang marijuana at limang sachet ng hinihinalang shabu.