Drug test sa guro at estudyante kinukonsidera na ng DepEd

Ang pagsailalim sa drug test sa mga guro at estudyante mula sa mga pampublikong eskuwelahan ay kabilang lamang sa mga seryosong kinukonsidera ngayon ng Department of Education (DepEd).

Ito’y sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones sa pagharap nito kahapon sa Senado kaugnay sa pagdinig ng proposed budget ng ahensiya para sa susunod na taon.

Ayon kay Briones, sa pinaigting na kampanya ngayon ng pamahalaan kontra droga ay hindi maaring isantabi at itsapuwersa ang mga eskuwelahan mula sa problema ng droga lalo’t isa silang malaking sektor.

“We can’t claim to be excluded and protected from the drug menace itself. We are a very, very large sector so we have to look into this issue,” ayon pa kay Briones.

Sa ngayon ay mayroon 722,000 guro at 25 milyon estudyante sa buong bansa.

Paglilinaw naman ng kalihim na ang drug test sa mga estudyante ay ‘sampling basis’ na may consent o permiso ng kanilang mga magulang.

Dagdag pa ni Briones, sisikapin nilang masimulan ito ngayong taon.