DRUG VIGILANTE TUMBA SA PULIS

Nakipagbarilan hanggang sa mapatay ng mga pulis ang isang lalaki na hinihinalang kabilang sa mga vigilante na tumutumba ng mga suspected drug pusher sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Pinaniniwalaang vigi­lante ang nasawing lalaki na tinatayang nasa 20-25 ang edad at may taas na 5’4”, dahil tumutugma ang suot nitong pawang kulay itim na jacket, pantalon at bonnet sa deskripsyon ng mga suspek sa pagpatay ng ilang drug suspects nitong mga nakaraang araw sa nasabing lungsod.

Sa investigation report ni PO3 Renen Ma­lonzo ng Caloocan City Police, pasado alas-dos ng madaling-araw nang mangyari ang shootout sa Waling-Waling St., Sampaguita Subdivision, Brgy. 175, Camarin.

Nagpapatrulya umano ang mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit nang mamataan ang suspek na sakay ng motorsiklo at dahil sa kahina-hinalang kilos nito ay pinara siya ng mga pulis para sa beripikasyon.

Pero, hindi pa man nakakalapit sa kanya ang mga operatiba ay bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga pulis.

Dahilan upang gumanti na rin ng putok ang mga pulis hanggang sa napatay nga ang suspek.

Narekober Ng Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ng shootout ang isang .38 caliber revolver na may apat na live ammunition at isang maliit na bag na may da­lawang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Aalamin umano ng mga awtoridad ang pagkatao ng suspek at kung kabilang ba ito sa mga riding in tandem na pumapatay ng suspected drug pushers sa Caloocan at karatig lugar na kapwang naka-itim na kasuotan.