Drug war lumalatay na!

Ramdam na ang epek­tong hatid ng pinaigting na kampanya kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Patunay dito ang pagsuko ng halos daanlibong mga sangkot sa iligal na droga.

Isa sa napakamagandang idinulot ng laban kontra iligal na droga sa pamamagitan ng inilunsad na “Oplan Tokhang” at Double Barrel ay ang pagbaba ng bilang ng krimen sa ilang bahagi ng bansa.

Pero ang pagbaba ng bilang ng street crimes ay partikular na naramdaman sa Metro Manila pangunahin sa Lungsod ng Maynila na ayon sa Manila Police District (MPD) ay nabawasan ng 40 porsiyento ang crime rate sa kanilang lugar.

Wala pang inilalabas na figure ang iba pang lungsod at bayan sa Kalakhang Maynila sa pagbaba ng crime rate pero aminado ang Natio­nal Capital Regional Police Office (NCRPO) na ang datos sa lingguhang crime trend mula Hulyo 1-19 ngayong taon ay nagpamalas ng malaking pagbagsak ng street crimes kung ikukumpara sa naging record noong unang semester ng 2016.

Ang mga kaso kagaya ng pagnanakaw, carnapping, motornapping at physical injuries ay malaki talaga ang ibinawas at ang nakikitang dahilan ng lahat ng ito ay ang lalong pinaigting na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa mga gumagamit ng iligal na droga.

Dahil sa mga ulat na ito, malinaw na may ma­laking papel ang ginagampanan ng paggamit ng iligal na droga sa pamamayagpag ng krimen sa bansa.

At dahil tuluy-tuloy ang operasyon ng gobyernong Duterte sa mga nasa likod ng iligal na droga ay unti-unti na rin silang nauubos na hindi malayong lumabas din sa antas ng krimen sa bansa sa mga darating pang panahon.