Drug war patindi na nang patindi

Alam n’yo bang pumapalo na sa mahigit 150,000 katao ang sumuko na mga drug users at pushers sa pinaigting na kampanya kontra sa iligal na droga ng gobyernong Duterte?

Pero kung pagbabasehan natin ang sina­sabing dami ng mga drug addicts sa bansa, base sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nasa tatlong milyon daw.

Dahil tatlong milyon pala ang mga drug users at pushers base sa record ng PDEA ay lumalabas na iilang porsiyento pa lang pala ang sumusuko.

Sabagay nasa ikatlong linggo pa lamang ang Duterte government sa kanilang operas­yon sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP) kaya asahan na natin sa mga susunod na araw ang pagbuhos pa ng mga magsisisukong mga kababayan­ nating sangkot sa iligal na droga.

Ang hindi lang natin magustuhan sa sistema ng operasyon kontra iligal na droga ay ang biglaang pagbulagta ng ilang pinapasukong mga drug dependents. Malayung-malayo sa kahinahunang ipinapamalas sa mga probinsya ng mga kapulisang nagsasagawa ng operasyon kung saan ay mapayapang napapasuko ang mga drug dependents.

Kung umiral lang sana­ ang mapayapang drug operations at walang tumutumbang mga sangkot sa iligal na droga sa bawat operasyong isinasagawa ng kapulisan ay maituturing nating isang tagumpay ang kampanyang ito.

Alam nating nagkasala ang mga drug dependents pero hindi naman sila mga kriminal na dapat patawan agad-agad ng kamatayan dahil sa pagkakalihis nila ng landas.

Mas mabuting bigyan sila ng pag-asang buma­ngong muli upang maranasan nila ang buhay ng isang ligtas sa iligal na droga.

Huwag din sanang kaligtaan ng mga nagpapatupad ng batas na kasunod ng pagsuko ng mga drug dependents ay kailangan pa ng gabay ng mga ito upang makapamuhay nang normal.

Bigyan sila ng nara­rapat na suporta para­ ­makabangong muli at maging kapaki-pakina­bang sa lipunan.