Isang drug personality ang nasawi nang maki­pagbarilan sa mga pulis sa isinagawang Anti-Illegal Drug at Oplan Galugad sa Barangay Bayanan, Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa sa Ospital ng Muntinlupa ang suspek na si Jeffrey Tuloy, nasa hustong gulang at naninirahan din sa nasabing barangay sanhi ng limang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa Barangay Bayanan nang nasabing lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang nagsasagawa ng Oplan Galugad at Anti-Illegal Ope­ration ang mga tauhan ng Muntinlupa Police ­Station nang mamataan nila ang isang lalaki na tumatakbo palayo sa kanila.

Sinundan naman ng mga pulis ang nasabing lalaki na kung saan ay nagkaroon na ng habulan hanggang sa makarating sa lagusan na tulay sa nasa­bing barangay at dito na nakipagbarilan ang suspek sa mga awtoridad.

Makalipas ang tatlong minutong palitan ng putok sa pagitan ng suspect at ng mga awtoridad ay duguang bumulagta ang suspek. Agad naman itong isinugod sa nasabing pagamutan ngunit idineklara itong dead-on-arrival ni Dr. Malihan sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa isinagawang pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Opera­tives (SOCO) ng Southern Police District (SPD), narekober ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu at improvised shotgun at mga basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.