Hindi na nakuha pang sindihan ng isang lalaki ang biniling sigarilyo dahil mabilis itong pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi nakilalang riding-in-tandem pagkatapos bumili sa tindahan kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Teody Cruz, 40, residente ng M. Cruz St. Brgy. Sto. Nino ng nabatid na lungsod at kilalang drug personality umano sa kanilang lugar.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi nang bumili ng sigarilyo ang biktima sa tindahan malapit sa kanilang bahay.
Akmang sisindihan na ni Cruz ang sigarilyo pero agad itong nilapitan ng isa sa mga suspek at pinagbabaril. Nang masigurong wala na itong buhay ay mabilis na umalis ang gunman patungo sa naghihintay na kasama lulan ng motorsiklo hindi kalayuan sa lugar.
Hindi na naplakahan ng mga saksi ang motorsiklo ng mga suspek at hindi rin namukhaan ang mga ito.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung may kinalaman sa ilegal na droga ang insidente.