Patay ang isang lalaki, na kilala umanong sangkot sa iligal na droga, holdaper at miyembro ng ak­yat-bahay gang sa kanilang lugar, nang barilin ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki habang naglalaro ng bilyar sa Brgy. Mangga­han sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Crisaldo Crispero, alyas ‘Zaldy Magdamag,’ binata, walang hanapbuhay, at residente ng No. 1496 Mais Street, Napico, Brgy. Mangga­han, Pasig City sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni Senior Supt. Orlando Yebra Jr. hepe ng Pasig City Police dakong alas-siyete ng gabi nang maganap ang krimen sa isang bilyaran sa nabanggit na lugar.

Naglalaro umano ng bilyar ang biktima nang bigla na lang pumasok ang mga suspek at malapitan itong pagbabarilin.

Mabilis naman na tumakas ang mga salarin nang makitang duguan at wala ng buhay na bumagsak sa semento ang biktima.