Druggie pinatay habang tulog

Pinatay kahit nasa loob ng bahay at mahimbing nang natutulog ang 36-anyos na lalaki na umano’y sangkot sa iligal drug trade nang pasukin at pagbabarilin ito ng hindi nakilalang suspek sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Dead on the spot sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Roberto de Leon, alyas ‘Obet’ ng 66 B. Casenas St., Barangay Tangos.

Ayon sa ilang residente sa lugar, ilang armadong kalalakihan na naka bonnet at face mask ang kanilang nakita na lumabas sa bahay ng biktima matapos ang sunud-sunod na putok ng baril.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Paul Roma, dakong alas-tres ng mada­ling-araw habang mahimbing na natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang sapilitan umanong pasukin ng mga suspek at pagbabarilin .

Base sa impormasyong nakalap ng awtoridad, lumilitaw na kilalang drug pusher sa naturang lugar ang biktima at ginagamit din umano nito na drug den ang kanyang bahay.