Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)-Bohol ang umano’y drug lord ng Bukidnon makaraang mamataan ito sa isang lugar sa Bohol, kahapon ng umaga.
Matapos ang halos isang buwang surveillance ng NBI ay naaresto ang suspek na si Ramil Mulleon, 42, ng San Fernando, Bukidnon, sa isang lugar sa Dauis, Bohol.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na ang suspek ay namataang may kasamang babae sa Tagbilaran at nag-check in sa isang inn sa Brgy. Tinago, Dauis.
Hindi na nag-aksaya ng oras ang mga awtoridad at kaagad na inaresto ang suspek na nakuhanan ng 10 plastic sachet na pinaghihinalaang shabu.
Todo tanggi pa si Mulleon sa akusasyon na siya’y isang drug lord kasabay ng pagsasabing napagbibintangan lang siya dahil kaibigan umano niya ang isang drug lord na namatay sa drug operation.
Kaagad na dinala sa NBI-Bohol ang suspek para masampahan ng kaukulang kaso.