Kakulangan sa manpower at ang isinasagawang revalidation ng mga local government unit (LGU) sa listahan ng mga makatatanggap ng cash subsidy ang ilang dahilan kung bakit mabagal ang pagbigay ng ayuda sa mga mahihirap na Pilipino.
Ito ang tugon ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Director at Spokesperson Irene Dumlao nang tanungin sa panayam ng DZMM kung ano ang dahilan at napakabagal ng ayuda o pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
“Humihinhi kami ng paumanhin maraming challenges gaya ng kakulangan sa manpower para sa pagpapahatid ng tulong. Kakulangan sa disbursing officer,” ayon kay Dumalao.
Sinabi pa ni Dumlao na nakikipagtulungan na sila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapahatid ng ayuda sa mga island municipality.
Malaking hamon din umano ang masusing pagba-validate ng mga LGU sa listahan ng mga cash subsidy beneficiary dahil sa kanilang direktiba na mananagot kapag namahagi sa maling benepisyaryo.
“Nakatagal sa pamimigay ng cash aid ang isinasagawang revalidation ng ilang LGU,” sabi pa ni Dumlao.
Samantala, pabor din ito sa suhestiyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat ipaskil ang mga pangalan ng nabigyan ng SAP.
“Malaking tulong `yan at entire community para ma-validate ang listahan `pag pinaskil ang listahan,” ani Dumlao.(Riz Dominguez)