DSWD mas epektibo pag walang epal na pulitiko

Naniniwala ang isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara na mas epektibo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagganap sa kanilang trabaho kung walang pakialamerong pulitiko.

Ganito ipinagtanggol ng Makabayan bloc sa Kamara, na binubuo ng mga militanteng mambabatas, ang Memorandum Circular No. 9 na inilabas ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na pumipi­gil sa mga pulitiko na magdikta kung sinu-sino sa kanilang mga distrito ang dapat mapasama sa Conditional Cash Transfer (CCT) program na kilala rin bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, natigil na ang pakikiaalam ng mga pulitiko sa nasabing programa dahil ang layon lang naman ay para magpalakas sa mga tao at magkaroon ng paki­nabang pagdating ng eleksyon.

“Referral letters from politicians have been abused frequently and are used to buy votes from poor families during elections or make them deliver irregular political tasks in the community,” ani Brosas.

Sinabi ng lady solon na dapat ipagpatuloy ng DSWD ang ganitong sistema upang hindi na umano magamit ang CCT program para sa politika, hindi lamang ng mga national kundi local politicians.

Sa panig naman ni ACT party-list Rep. Antonio Tinio, dapat aniyang purihin si Taguiwalo dahil sa kabila ng pressure ng mga pulitiko ay hindi ito nagpatinag at ginawa lang ang tama.