DSWD report sa pinamigay na ayuda kulang – Sotto

Nanawagan si Senate President Vicente `Tito’Sotto III na ilathala ang listahan ng mga taong nabiyayaan sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) na pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para na rin sa transparency.

Ginawa ni Sotto ang panawagan sa gitna ng reklamo mula sa mga low-income worker at ibang mga `vulnerable sector’ kaugnay ng distribusyon ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash subsidy.

“Marami tayong naririnig na reklamo na hindi umano natanggap ng mga taong dapat ay kwalipikadong makakuha ng cash assistance na pinayagan ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan Act,” sabi ni Sotto sa isang pahayag nito.

“Kaya ang tanong natin ngayon, sino-sino na ba ang nabigyan ng gobyerno? Bakit marami ang nagrereklamong hanggang ngayon ay hindi pa nila nakukuha ang ayuda na nakasaad sa batas?” ayon sa senador.

Ayon kay Sotto, maaari namang i-upload ng DSWD sa kanilang website ang listahan ng mga pangalan ng mga nakatanggap ng nasabing biyaya mula sa gobyerno.

Ang pagbubunyag na ito ay makatitiyak din aniya na ang pera ay talagang napamahagi at natanggap ng mga benepisaryo ng naturang programa.

“The DSWD has the masterlist of those who have already benefited from the SAP. It should make public the names of the recipients for the sake of transparency,” ani Sotto,

Sa ikatlong report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, nabanggit nito na nakapamudmod na ang DSWD ng P80 bilyon mula sa P100 bilyong nakalaan para sa SAP sa buwan ng Abril.

Subalit wala umanong detalye ang DSWD kung ilan ang kabuuang bilang ng mga nakatanggap na, mga lugar na nabigyan at breakdown ng halagang naipamahagi na sa mga barangay o local government unit (LGU).

“Nakukulangan ako sa report, hindi kumpleto. Kailangang malinaw sa aming mga mambabatas at sa publiko kung paano ibinahagi itong perang ito. Kulang sa detalye ang ipinasang report sa Kongreso,” ayon kay Sotto.

Kung mabubunyag aniya ang listahan ng mga nabiyayaan, matutukoy din ng mga mambabatas ang mga sablay sa distribution system ng DSWD gayundin ang pag-abuso ng mga local at national social welfare executive na in-charge sa nasabing pamamahagi.

“We should all work together to ensure that the government is not hoodwinked by abusive leaders,” ani Sotto. (Dindo Matining)