Mino-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mineral water na binebenta sa mga sari-sari store at grocery dahil na rin sa ulat na sumirit ito sa Mandaluyong City kasunod ng water service interruption ng Manila Water.
Ayon kay DTI Consumer Protection Group head Undersecretary Ruth Castelo nasa P75 ang presyo ng kada limang litro ng mineral water pero ito ay depende pa rin aniya sa brand nito.
“Supermarket saka ‘yung sari-sari store alam natin ‘yung magkano lang talaga ‘yung value niya. So anything in excess of the true value nu’ng item, puwede naming tingnan kung ito ba ay karapat-dapat sa presyo o itinaas,” ani Castelo.
Batay sa mga ulat, nababahala ang mga residente ng Mandaluyong City dahil sa pagtaas ng presyo ng mineral water at tubig na kanilang nabibili sa mga pumping station.
Mula nang umabot umano sa critical level ang La Mesa Dam ay tumaas na rin ang presyo ng tubig na ginagamit nila na nilalagay sa drum at timba.
Habang ang mineral water naman na binibili sa mga tindahan na dati ay umaabot na sa halagang P95 kada pitong litro, nagkakahalaga na ng P100 hanggang P105.
“Tanging puwede lamang po namin i-monitor ay ‘yung mga store, supermarket ang aming covered na bantayan,” ayon pa kay Castelo.
“Puwede naman namin i-call ang attention ng mga store o supermarket kung overprice ang benta nila sa kanilang mga binebentang bottled water,” dagdag ni Castelo.
Paliwanag nito na hindi nila sakop ang mga water refilling station kung magtataas ng presyo ng kanilang mineral water.