Muling paalala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na ibigay ang tamang sukli sa kanilang mga customer.
Aminado si DTI undersecretary Victorio Dimagiba, hindi pa rin nawawala ang reklamong nakarating sa kanilang tanggapan ukol sa hindi pagbibigay ng tamang sukli ng ilang mga pamilihan.
May ilan pa rin umano na sa halip na suklian ay candy na lamang ang ibinibigay na hindi sang-ayon sa Consumer’s Protection Act.
Paliwanag pa ni Dimagiba, hindi maaaring gawing dahilan ng mga negosyante ang kakulangan ng barya dahil mismong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nagsabing walang kakulangan sa barya.
Dahil dito, giit ng DTI na panahon na upang patawan ng multa ang mga negosyanteng hindi nagsusukli nang tama.
Kasabay na rin dito ang pangangalampag ng ahensiya para sa tuluyan nang pagpapasa ng nakabinbing panukalang magpapataw ng multa sa mga negosyanteng hindi nagsusukli nang tama sa kanilang customers.