Isang memorandum circular ang inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) na nag-aatas sa mga establisimiyentong nagkakaloob ng serbisyo sa mga tao para bigyang prayoridad ang kanilang mga kustomer na senior citizen.

Nilagdaan ni DTI Secretary Ramon Lopez noong Sabado, Marso 28, at agaran nang ipinatupad ang naturang memorandum circular para sa mga supermarket, grocery store, pharmacy at drug store at iba pang negosyo na pinahintulutan ng pamahalaan na manatiling bukas habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon sa kautusan, ibukod ang mga senior citizen sa pila ng iba pang kustomer para makapasok agad ang mga ito sa establisimiyento subalit kailangang manatili pa rin na sinusunod ang social distancing.

Hinimok din ng DTI ang mga retail store na maglaan ng shopping hour para lamang sa mga senior citizen gayundin ng express lane para sa mga matatandang 60-anyos pataas na bibili ng 25 item o higit pa.

Babala pa ni Lopez sa nilagdaang memorandum circular na paglabag sa Senior Citizens Law ang hindi tatalima dito.