DTI: Taas presyo ng laptop, bike babantayan

Masusing mino-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bentahan ng laptop at bisikleta na lumakas ngayong may pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Laging Handa public briefing Martes ng tanghali kung saan isa si DTI Undersecretary Ruth Castelo sa mga panauhin, nakiusap ito sa mga nagbebenta ng laptop at bike na maging “reasonable” sa presyo ng kanilang mga produkto.

“Pakiusap po natin sa business owners na nagbebenta ng ganitong produkto at sa consumers na kung magtataas po ng presyo para sa bike or laptops, kung puwede po `yung reasonable increases lang na hindi masyadong malaki,” apela ni Castelo.

Hinimok din nito ang mga consumer na isumbong sa DTI kapag may nakitang hindi makatuwirang pagtataas sa presyo ng laptop at biseklita.

Lumakas ang demand sa laptop dahil marami ang nagtatrabaho sa kanilang bahay habang ang bike naman ay gamit ng mga pumapasok na sa trabaho para hindi sila mahirapan sanhi ng kakulangan ng public transportation.