DU30 patay-malisya sa tulong ng US sa Marawi

Mistulang ‘patay-malisya’ si Pangulong Rodrigo Duterte sa tulong na ibinibigay ng US government sa mga sundalong nakikipaglaban sa teroristang grupo sa Marawi City.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya hu­mingi ng tulong sa Trump administration para mapuksa ang mga natitirang miyembro ng Maute Group sa Marawi City.

“I’m not aware of that until they arrive,” depensa ng Pangulo sa media briefing sa Cagayan de Oro City kung saan binisita niya at ginawaran ng parangal ang mga sundalong sugatan sa bakbakan sa Marawi City.

Nauna rito ay kinumpirma ng US Embassy sa Maynila na tumutulong ang US special operations force sa bakbakan ng militar at Maute sa Marawi City dahil sa request ng Philippine government.

Sa isinagawang ope­rasyon noong Biyernes, naispatan ang paglipad ng P3 Orion, isang spy plane ng US, sa war zone ng Marawi City.

Sa naturang operasyon ay 13 Philippine Marines ang napatay ng mga te­rorista habang higit sa 40 sundalo naman ang sugatan.

Nilinaw na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang Amerikanong sundalo ang sumabak sa giyera sa Maute Group, kundi intelligence information lamang ang ibinibigay nilang tulong.

Ipinagtanggol naman ng Palasyo ang presensiya ng US military sa Marawi City sa pagsasabing hindi naman sumasabak ang kanilang mga sundalo sa bakbakan sa terorista.

“The United States is assisting the Armed Forces of the Philippines (AFP) in its operations in Marawi but this is limited to technical assistance,” paglilinaw ni presidential spokesperson Ernesto Abella.