Inatasan ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa ibang pang paliparan sa bansa na higpitan ang pagsala sa mga Pinoy na bibiyahe papuntang Dubai.

Ito’y kasunod ng mga ulat na ginagamit diumano ng sindikato ng human trafficking ang Dubai bilang transit point para sa iligal na pagpapadala ng overseas Filipino worker (OFW) papuntang Iraq.

Inilabas ni BI Commissioner Jaime Moren­te ang kautusan matapos silang alertuhin ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa umano’y recruitment ng mga sindikato sa pamamagitan ng social media ng mga manggagawang Pinoy sa Iraq sa kabila ng pagbabawal ng deployment ng OFW doon.

Ayon sa ulat, ang mga online advertisement na nagsasabing may mga bakanteng trabaho sa Iraq ay umiikot sa Internet at sinasabi pang inalis na ang deployment ban.

“Immigration officers are directed to exercise extra vigilance in clearing the departure of Filipino travelers bound for Dubai, particularly those who are departing as tourists, and make sure that they are not going to other fo­reign destinations in order to work,” ayon sa direktiba ni Morente. (Mina Aquino/Otto Osorio)