Binuweltahan ng bise presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pinakahuling batikos sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-akusang baka gumagamit siya ng iligal na gamot dahil sa kanyang paggala sa gabi.
Unang inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Davao City ang kanyang pagdududa kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na baka sangkot ito sa iligal na droga dahil sa pag-iikot sa kanyang nasasakupan.
Inalmahan ni David sa pamamagitan ng isang Facebook post ang sinabi ni Duterte at sinabing hindi siya nagdo-droga at sa halip ay tumutulong sa mga nalululong sa masamang bisyo.
“Into drugs? No sir, I’m not into drugs of any sort, whether legal or illegal. Never been, I only help in rehabilitating people addicted to drugs. I partner with the anti-drug abuse councils/offices of the local government units of Caloocan, Malabon and Navotas in this endeavor,” post pa ni David.
Ayon pa sa obispo, nagpapasalamat siya sa Panginoon dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin siyang anumang maintenance drugs na iniinom at ang tanging iniinom lamang niya ay mga bitamina, at mga fruit shake na hinaluan ng malunggay sa umaga.
Hinimok din niya ang pangulo na subukan ito dahil makabubuti ito sa kanyang kalusugan.
Bukod sa pagtulong sa mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot ay mayroon din silang scholarship program para sa mga naulila ng mga napatay dahil sa anti-drug war campaign ng pangulo.