Nananawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga pasyenteng gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mag-donate ng kanilang dugo upang makuhanan ng antibody na maaaring makatulong sa mga hindi pa gumagaling o kritikal dahil sa naturang sakit.
Ginawa ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario ang panawagan sa panayam sa radyo dahil kailangan umano nila ng antibody galing sa mga COVID-19 survivor.
“Ang mga pasyente po na naka-recover sa COVID-19 ay meron pong antibody sa kanilang plasma. `Yon antibodies po na `yon ay puwedeng gamitin, ita-transfuse po sa mga pasyente na merong sakit,” pahayag ni Dr. del Rosario.
Kukuhanin kasi mula sa kanilang dugo ang plasma na naglalaman ng antibody.
“Kapag nakakuha ka ng antibodies eh `yon ang panlaban mo sa virus. Mabo-boost ang inyong immune system para malabanan ang virus,” sabi ni Dr. Del Rosario.
Dapat umanong ang mga blood donor ay nagpositibo sa COVID-19 na gumaling na at negatibo na sa sakit at kailangan din na dalawang linggo nang nagpagaling at lumakas ang katawan ng donor.
Dinagdag pa nito na dapat ay wala nang sintomas ng sakit at wala rin iba pang sakit tulad ng hepatitis, HIV, o malaria.
“In the future ang plano po namin ay gamitin ang plasma na ito hindi lang sa mga pasyenteng nahihirapan na or severe `yong disease kundi even those `yong mga mild pa lang ang sintomas,” sabi ni Dr. Del Rosario.
Nabatid na maaaring gamitin ng hanggang tatlo o apat na tao ang antibody na makukuha mula sa isang donor. (Riz Dominguez)