DUGO PARA KAY OLYMPIAN IAN LARIBA

table-tennis-ian-lariba

Bumubuhos ang panawagan sa social media sa nakalipas na dala­wang araw dahil sa pagkaka-confine sa Saint Luke’s Medical Center sa Quezon City ng pambato sa table tennis ng bansa sa 2016 Rio Olympics na si Ian ‘Yanyan’ Lariba.

Kinakalampag ng kapwa niya athletes sa De La Salle University na sina Mika Reyes, Ara Galang, Kim Fajardo, Dawn Macandili, at Tintin Tiamzon ng UAAP 79 women’s volleyball champion team Lady Spikers ang publiko at mga kinauukulan na magdonasyon ng type ‘O’ blood para sa atleta.

“Yanyan Lariba is in need of blood (Type O). For those who are willing to donate, pls proceed to the Blood Bank of St Luke’s Medical Center QC,” tweet ni Reyes (@mikareyes).

Sinubukang kunin ng Abante TONITE ang panig ng kampo ni Lari­ba, pero ayaw pang magkomento sa tunay na kala­gayan ng tubong Caga­yan de Oro athlete na five-year undefeated sa singles matches sa UAAP.

Maging ang Philippine Sports Commission sa pamamagitan ni Chief of Staff Ronnel Abrenica  at ang Philippine Olympic Committee sa pamamagitan naman ni first vice president Jose Romasanta ay palaisipan pa rin sa kalagayan ng many-time UAAP Athlete of the Year.

Pero sinabi ni Abreni­ca na ipapa-monitor na nila ngayong araw si Lari­ba, ang unang nag-qualify sa quadrennial games para sa nasabing sport.

Kasama rin sa may pakisuyo para makakuha ng donasyong dugong kailangan niya sina Ateneo Lady Eagles Jia Morado at Denden Lazaro, UAAP football champion coach Hans-Peter Smit ng DLSU, fans at mga kaibigan ni Lariba.