Patay ang isang policewoman nang pagbabarilin ng asawang miyembro rin ng pulisya na nagtangka ding magpakamatay matapos magtalo sa isang bagay sa Barangay Centro sa bayan ng Tubigon, Bohol.
Kinilala ang napatay na biktimang si Juliet, isang Police Staff Sergeant, miyembro ng Clarin Municipal Police Station (MPS). Ito ay agarang nasawi matapos magtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kritikal naman ngayon sa pagamutan sa Tagbilaran City ang suspek na itinago sa pangalang Ferdie, isa ring Police Staff Sergeant, asawa ng biktima, matapos itong magbaril sa ulo.
Sa ulat na ipinadala ni Police Capt. Robert Luceras, hepe ng Tubigon MPS, naganap ang insidente alas-siyete ng umaga sa loob ng bahay ng mag-asawa sa Sitio Ingod, Brgy. Centro ng nabatid na bayan.
Napag-alaman na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa loob ng kanilang silid at makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na ng sunod-sunod na putok sa loob ng kuwarto.
Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang mga kasama sa bahay ng mag-asawa na mabilis na rumesponde sa lugar at doon ay inabutan ang misis na pulis na nakahandusay sa sahig at duguan gayundin ang suspek na mister na duguan sa parteng ulo matapos umanong magtangkang magpakamatay.
Nakuha sa crime scene ang mga basyong bala ng 9mm pistol na ginamit sa krimen. (Edwin Balasa)