Kinilala ni Vice President Leni Robredo ang mahalagang papel at kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya ng bansa. Ito ang laman ng mensahe ni VP Robredo sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.
Ayon kay VP Robredo, hindi matatawaran at hindi masusukat ang kahalagahan ng mga manggagawa sa pagpapalago ng lipunan at pagpapatibay ng ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, ang mga manggagawa ay nagsisilbing matibay na pundasyon na siyang sandigan ng lumalakas na ekonomiya at negosyo sa bansa.
Para kay VP Robredo, ang pagtatag ng ating ekonomiya ay bunga ng pagsisikap at pagtitiis ng mga manggagawa. Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at napalaking kontribusyon sa bayan, iginiit ni VP Robredo na dapat tutukan ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
Kailangan na ring isulong ang repormang naglalayong palakasin ang karapatan ng mga manggagawa, kasama na ang pagtuldok sa ‘Endo’ sa ating bansa. Dapat ding tiyakin ng pamahalaan na hindi naaabuso ng mga kumpanya ang kontraktwalisasyon.
Malapit sa puso ni VP Robredo ang mga manggagawa dahil ipinaglaban niya ang karapatan ng mga sa panahon niya bilang free legal aid lawyer bago naging kongresista.
***
Malaki ang problema ng employment sa ating bansa o paghahanap ng trabaho ng ilan sa ating mga kababayan lalo na para sa mga tinatawag na ‘fresh graduate’ sa kolehiyo, dahil taun-taon na lamang ay kailangang makipag-sapalaran ng mga ito para makakuha lang ng trabaho.
Ito ang realidad na magpa-hanggang ngayon ay patuloy pa ring binabalikat ng ating pamahalaan. Partikular na mismo sa mga estudyanteng kaka-graduate pa lamang sa kolehiyo dahil talagang pahirapan ang paghahanap ng trabaho dito sa Pilipinas.
Hindi nakakapagtaka kung bakit ilan sa mga kababayan natin ang nagtitiyaga na lamang bilang isang ‘contractual’ o ang kanilang kontrata sa isang partikular na kompanya ay tatagal lamang ng tatlong buwan.
Ang katuwiran nila rito ay mas mainam na mayroon kang trabaho kahit tatagal lang ng tatlong buwan. Kesa naman sa wala ka talagang hanap-buhay.
Isa sa mga nakikita nating solusyon para maibsan ang problema ng gobyerno hinggil sa employment o ang kawalan ng trabaho. Ito ay ang tuluyang pagbasura sa ‘contractualization’ kagaya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang eleksyon.
Nakakaawa ang mga empleyadong mawawalan ng trabaho pagkatapos ng kanilang tatlong buwang kontrata. Ang tanong lang naman dito: saan sila ngayon maghahanap ng panibagong trabaho matapos hindi i-renew ng kanilang employer ang kanilang kontrata?
Ang ilan sa mga ito, ayon sa ilang mga nakaka-usap natin, partikular na sa panig ng mga babae. Ang ilan sa kanila ay napipilitang pumasok bilang Guest Relation Officer (GRO) sa mga sikat na nightclub para lamang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Napipilitan silang magbenta ng laman para mabuhay. Kung tuluyan ng mababasura ang contractualization o Endo, naniniwala ako na hindi na kailangang masadlak sa ganitong kalagayan ang ating mga kababaihan para lang kumita at makatulong sa pamilya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)