Dumayo ng ibang barangay para magka-signal! Buwis buhay sa online class

Matapos umanong maghanap ng signal para magpasa ng school requirement online, nasawi ang isang 20-anyos na estudyante sa Capiz nang maaksidente sa motorsiklo Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Kristelyn Villance, criminology student ng Capiz State University Dumarao Campus at residente ng Brgy. Mahunod-hunod Cuartero.

Naghanap umano ng internet signal ang biktima dahil may ipapasa itong nakatakdang report sa kanyang guro kaya dumayo pa ito sa ibang barangay.

Sa imbestigasyon ng Dumarao Municipal Police Station, papauwi si Villance sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kanyang tatay na si Cesar, 45. Nawalan ang huli ng kontrol sa manibela kaya sila naaksidente sa daan.

Sinugod kaagad si Kriselyn sa Dao District Hospital dahil sa natamong malubhang sugat ngunit agad ding itong binawian ng buhay habang nililipat sa isa pang ospital sa Iloilo, habang hindi naman naging malala ang tinamong pinsala ng amang si Cesar.

Kaugnay nito, giniit ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) na dapat maalarma ang Commission on Higher Education at national government sa insidente.

“Students are exposed to unnecessary risks whenever we go out of our houses to access the internet and comply with school requirements during these difficult times,” ayon sa NUSP.

Dapat din anilang gumawa ang mga ahensya ng mga patakaran na mas maka-estudyante, habang kumakaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic. (SDC)