Natimbog ng mga pulis ang isang lalaking dumadayo pa sa Lucena City para magtulak ng droga sa buy-bust operation sa tinutuluyan nitong hotel sa Lucena City kamakalawa ng hapon.

Hindi na nakapalag ang suspek na kinilalang si Napthali Manguerra Gube, 55-anyos, taga-Doña Soledad Extension, Barangay Moonwalk, Bicutan, Parañaque City, nang arestuhin ng mga tauhan ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit sa tinutuluyan nito sa South Red Palm Hotel sa Barangay Isabang bandang alas-3:20 ng hapon.

Nakumpiska dito ang limang plastic sachet ng shabu na may timbang na 21.58 grams na nagkakahalagang P39,923.

Nakuha rin dito ang isang digital na timbangan at isang gunting na ginagamit sa pagre-repack ng shabu.

Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang sasakyan nito na isang silver Hyundai Accent na wala pang plaka.