Patay ang isang tricycle driver matapos araruhin ng dump truck na nawalan umano ng preno ang tatlong tricycle sa national highway sa Brgy. Buhay na Sapa, San Juan, Batangas, Lunes nang tanghali.

Agad nasawi ang biktimang si Dante Mariano, na unang nahagip ng dump truck sa hulihang bahagi ng minamaneho nitong tricycle.

Bahagya ring nasugatan ang asawa ng biktima at tatlo nitong pasahero.

Base sa report ng San Juan police, nabangga ng dump truck ang dalawang tricycle na sinusundan nito bago muling sumalpok sa isa pang kasalubong na tricycle.

Hindi naman nasaktan ang dalawa pang driver ng tricycle.

Naaresto naman ng mga awtoridad driver ng dump truck na si Ernesto Tamesis Jr., na nakakulong na sa San Juan police station locked up cell.

Ayon dito, hindi kumagat ang kanyang preno habang papalapit sa dalawang tricycle na mabagal na tumatakbo sa national highway. (Ronilo Dagos)