Duque ‘di sisibakin ni Duterte

Mananatili sa kanyang puwesto si Department of Health Secretary Francisco Duque III.

Ito ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng panawagan ng mga senador na magbitiw ang kalihim sa puwesto dahil sa kabiguan umano nitong pangasiwaan ng maayos ang krisis sa coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang aksiyon ng mga senador laban kay Duque at kinampihan nito ang Health Secretary.

“The President has made a decision for Health Secretary Duque to stay put. He also expressed his appreciation for the Senators’ gesture in giving him opportunity to weigh his options on the performance of his Health Secretary,” ani Medialdea.

Naiparating na aniya kay Duque ang sentimyento ng mga senador at inaasahan ni Pangulong Duterte na lalo pang pagbubutihin ng kalihim ang trabaho at ipakita sa publiko ang kanyang kakayahan at sinseridad sa pagsisilbi sa bayan lalo na sa mga panahong ito na dumadaan sa pagsubok ang bansa mula sa bagsik ng COVID-19.

“Secretary Duque was made aware of the sentiments of the senators and the President expects him to work even harder to set aside any doubts on his capacity and sincerity to serve the public during these difficult times,” dagdag pa ni Medialdea.

Labinlimang senador ang humihiling sa resignation ni Duque dahil sa kabiguan at kawalang kakayahan umano nito na pangasiwaan ang paglutas sa problema sa COVID-19 sa bansa.(Aileen Taliping/Prince Golez)