Duque hugas-kamay sa benepisyo ng mga frontliner

Mistulang naghugas –kamay si Health Secretary Francisco Duque III makaraang isisi nito sa kanyang mga tauhan ang natagalang pagkakaloob ng tulong pinansyal na ipinangako ng gobyerno sa mga nasawi at nagkasakit na health workers dahil sa coronavirus disease 2019.

Sa pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga piling miyembro ng gabinete sa Davao City nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Duque na masama ang loob nito sa kanyang mga tauhan dahil sa kabagalan ng mga ito at nakakahiya sa mga namatayan at nagkasakit.

“Nakakahiya talaga sir eh. Namatayan na nga tapos nagpa-wardy wardy yung mga tao ko na parang walang sense of urgency,sir. Iyon ang talagang ang sama-sama po ng loob ko,” ani Duque.

Binigyan ng Pangulo si Duque ng tatlong araw para tapusin ang pamimigay ng tseke sa mga benepisyaryo.

Sinabi ni Duque na susunod sila sa direktiba ng Pangulo kaya mahigpit aniya ang utos nito sa kanyang mga tauhan na tapusin ang trabaho bago matapos ang tatlong araw na deadline.

“We will comply Mr. President with your deadline. Sabi ko huwag silang uuwi hanggang weekend to distribute the cheques, ” dagdag ni Duque.

Ang DOH at Department of Budget and Management (DBM) ang itinuturong may problema sa mabagal na paghahatid ng tulong pinansiyal sa mga nasawi at nagkasakit na health workers dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Duque na natukoy na nila ang 32 pamilyang benepisyaryo ng financial assistance at may problema sa ilang claimant dahil ang ilan sa mga ito ay dalawa ang asawa

Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Duterte si Duque na bumuo ng bagong team sa loob ng 24 oras para mangasiwa sa distribusyon ng cash assistance sa mga nasawi at nagkasakit na health workers dahil sa COVID-19.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo matapos maiparating sa kanya na hindi pa naibibigay ang tulong pinansiyal na dapat sana ay matagal ng natanggap ng mga benepisyaryo.

Sinabi ng Pangulo na dapat ang kuning mga tao ni Duque ay mga tapat at marunong humawak ng pondong para sa mga benepisyaryo.

“I am asking Secretary Duque to form a new team that would focus on the immediate delivery of assistance that should be given to those who were–yung namatay tapos yung nagkasakit. And I expect it within 24 hours,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na hindi kailangang manggaling mismo sa DOH o sa gobyerno ang mga bubuo ng bagong team, basta ang mahalaga ay tapat at mga ito at mapagkakatiwalaan pagdating sa pondo ng gobyerno. (Aileen Taliping/ Prince Golez)