Duque, mga PhilHealth opisyal swak sa P154B plunder

Pasok sa kasong plunder ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa nawalang P154 bilyong pondo ng ahensya na napunta lamang sa mga ghost patient at delivery.

Sinabi ito ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa panayam sa kanya ng himpilang DWIZ kasunod ng nabunyag na ghost dialysis scam kung saan kumumubra pa umano ang isang pribadong clinic sa PhilHealth kahit patay na ang isang pasyente.

Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panayam sa kanya ni Pastor Apollo Quiboloy, na P154 bilyon ang nawala sa PhilHealth na hindi aniya katanggap-tanggap kung kaya’t babalasahin nito ang ahensya.

Ayon kay Lacson, hindi maliit na halaga ang P154 bilyon lalo pa at napakaraming kababayan natin ang hindi maka-avail ng health insurance.

“Isipin mo kinakaltasan tayo at may plano PhilHealth dagdagan pa gawing 5%, may planong ganoon 5% kakaltasin sa suweldo ng taxpayers para contribute sa PhilHealth. Tapos makarinig ka P154 bilyon na ini-squander nila. ‘Di ka ba magagalit noon?” pahayag ng senador.

“I-divide mo, hatiin mo P154 bilyon sa P50 milyon na threshold amount para sa plunder. Isipin mo ilang plunder ‘yan. In a manner of speaking, I’m talking symbolically, P154 billion divided by P50 million, isipin mo ilang plunder nakapaloob diyan kung ating dadaanin sa numero,” paliwanag ni Lacson.

Kasabay nito, kinuwestiyon ni Lacson kung bakit hindi nagsumite ng kanyang courtesy re­signation si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III gayong ito ang board chairman ng PhilHealth.

“Ang chairman ng PhilHealth ang SOH (Secretary of Health). Nag-courtesy resignation lahat na board member, e paano ang chairman? Ang nakikita ko parang two ang standards, isa para sa mga board member, isa para sa chairman. Mas mabigat pa nga kung tutuusin ang responsibility ng chairman kasi siya namumuno,” diin ni Lacson.

Sinabi ng senador na wala siyang personal na galit kay Duque at ang nais lamang niya ay mapanagot ang mga lumustay sa pera ng bayan.

“Dagdag tayo ng dagdag ng buwis, pero ang natatapon na pera sa budget natin o sa contribution natin PhilHealth o anuman, nakikita natin nasasayang… So dapat tingnan ito ng NBI dahil sila gumagawa ng investigation, para talagang malaliman at panagutin lahat ‘di lang members ng board kundi pati mga director, kung sino ang involved sa PhilHealth official dahil sa pagkawaldas ng pera na ito,” ani Lacson.