Duque pabigat sa kampanya vs COVID – Drilon

Nakakabigat lang umano si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque sa kampanya ng goyerno laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa nakalilitong mga pahayag ng kalihim tungkol sa pandemya nitong nagdaang inggo.

“Alam mo, particularly si Duque, sa nakikita ko nakakabigat si Duque sa kampanya laban sa COVID-19. Importante ang kumpiyansa ng taumbayan para sumunod sa mga alituntunin ng IATF. Kung wala kang kumpiyansa, paano ka susunod,” pahayag ni Drilon sa panayam sa radyo.

Partikular na tinukoy ni Drilon ang kawalan ng tamang datos ng DOH hinggil sa mga nagpositibo sa COVID-19.

“Alam mo habang walang accurate data, i-extend nang i-extend iyan. Bakit wala? Dahil walang sufficient testing. Hindi mo malaman kung ilan ang kaso sa atin. Nabasa ko mayroong 19,000 positive cases pero ang na-validate ay 13,000 lamang,” pahayag ni Drilon.

“Ibig sabihin, `yung 6,000 pakalat-kalat at hindi alam na carrier sila. SIyempre matatakot ang publiko. Iyan ang sinasabi ko na kapag hindi nabigyan ng emphasis `yung three T (test, trace at treat),” dagdag pa nito.

Ikinadismaya Rin ni Drilon ang tila mabagal na pagsagawa ng pagsusuri sa mga indibidwal na pinaghihinalaang dinapuan ng virus.

“Mahigit 2 buwan na tayo rito, hanggang ngayon si Duque, sinasabi 10,000 pa lang ang nate-test per day, eh ang sabi ang kailangan ay 50,000. `Yung tracking, kapag alam natin na positive, hindi natin alam kung sino ang na-contact nito,” ayon pa sa senador.

Nang tanungin kung dapat bang sibalin na sa puwesto si Duque, sinabi ni Drilon na desisyon na umano ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang Pangulo ang halal na political leader, ang mga cabinet members ay kaniyang kinatawan. Nasa Pangulo iyan at dapat tingnan ang problemang itong,” ani Drilon. (Dindo Matining)