Duque sumablay sa Wuhan couple – Bato

Hindi sana lalala ang sitwasyon ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa kung naging seryoso lang ang Department of Health (DOH) sa contract tracing, ayon kay Senador Ronald `Bato’ dela Rosa.

“Personally, my strongest protest is on his lack of sincerity in the conduct of contact tracing on the co-passengers of the Wuhan couple who were first confirmed COVID-19 case in the country,” pahayag ni Dela Rosa sa kanyang text message sa mga reporter.

“He kept on passing the buck,” dagdag pa nito.

Kung naging matagumpay lang aniya ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng unang tatlong indibidwal na nagpositibo sa virus, hindi sana dadami ang bilang ng kaso nito sa kasalukuyan.

“Had that contact tracing been successfully done, maybe our present situation could not have been this worse,” sabi ni Dela Rosa.

Sa pagdinig ng Senado noong Pebrero, sinisi ni Duque ang mga airline company sa hindi pagbibigay ng mga pangalan ng mga pasahero ng nakasama ng dalawang Chinese tourist na nagpositibo sa COVID-19.

Pinabulaan naman ito ng Cebu Pacific at Philippine Airlines (PAL) at sinabing nagbigay sila ng buong flight manifest kabilang ang contact details ng mga pasahero.

Matatandaan na ang unang dalawang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay na-detect noong Enero 30 at Pebrero 31.

Ang mga pasyente ay mag-asawang Chinese na nagmula sa Wuhan City sa Hubei, China, ang epicenter ng outbreak. Isa sa kanila ang namatay habang ang isa ay nakarekober. (Dindo Matining)