Duque suportado ng gabinete – Nograles

Nagpahayag ng pagdududa si Secretary to the Cabinet Karlo Nograles sa paglutang ng ilang mga pangalan para ipalit kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III matapos hilingin ng ilang senador sa pamamagitan ng isang resolusyn ang pagbibitiw nito sa puwesto.

“Nakapagtataka na noong lumabas `yong resolution calling for the resignation of Secretary Duque, nakapagtataka na ang daming lumabas na mga pangalan, may pino-float na mga pangalan. It’s just very strange,” ani Nograles.

Pero kahit pa kalahati ng mga miyembro ng Senado ang nananawagan para sa pagbibitiw ni Duque, sinabi ng kalihim na 100% ang suporta ng mga gabinete sa kalihim ng DOH, gaya ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ito sa puwesto.

“Lahat kami sa gabinete uttered our 100% support kay Secretary Duque. And then shortly after, President gave a decision na he will keep Secretary Duque,” dagdag ni Nograles.

Hindi aniya talagang maiwasan na magkaroon ng “missteps” sa kinakaharap na krisis sa COVID-19 dahil bagong virus ito at kahit ang mga pinaka-mauunlad na bansa sa mundo ay hindi napaghandaan ito.

Pero sinabi ni Nograles na sa kabila ng kinakaharap na pagsubok, hindi dapat sumuko, at sa halip ay manindigan sa mga desisyon para sa kaligtasan ng sambayanan.

Wala namang binanggit si Nograles na mga pangalan ng sinasabi nitong naglutangan na posibleng maging kapalit ni Duque. (Aileen Taliping)