Duque tiklop sa galit ni Duterte

Ibinigay na rin ng tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque III ang tig-P1 milyong benepisyo sa mga naulila ng 30 frontliner na nasawi habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa pagharap sa health crisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ito’y matapos magalit si Pangulong Rodrigo Duterte at binigyan ng deadline ang Department of Health (DOH) nang malaman na hindi pa nabibigay ang mga benepisyong para sa mga nasawi at nagkasakit na frontliner batay sa itinatakda ng Bayanihan to Heal as One Act.

Unang inihayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing nitong Sabado na binigay na ang tseke sa naulila ng 20 frontliner sa COVID-19.

“Naibigay na po ang tseke sa 29 na heirs, tatlo na lang po ang gagawin natin ngayong araw para makumpleto ang ating listahan at maibigay ang benepisyo,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing nitong Sabado.

Inanunsyo rin ni Vergeire nito na kanila nang pinoproseso ang P100,000 cash aid para naman sa mga healthcare worker na nahawaan ng COVID-19 at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.

Sabado ng hapon inihayag ng DOH na umabot na sa 30 frontliner ang nabigyan ng benepisyo ang mga pamilya.

Subalit bilang pagrespeto umano sa privacy ng mga naulila ay hindi nila maaaring isapubliko ang listahan ng mga binigyan ng benepisyong pinansiyal.

May dalawa pang nasawing frontliner ang hindi pa nabibigyan ng benepisyo dahil hinihintay pa umano ng DOH na makapagsumite ng mga kaukulang dokumento ang naulila ng mga ito. Nakahanda na umano ang tseke at agad itong ipadadala kapag naisumite ang mga kinakailangang dokumento.

Inihayag din ng DOH na 10 naman mula sa 40 frontliner na nagkasakit (severe cases) dahil sa COVID-19 ang nabigyan na rin ng tig-P100,000 habang hinihintay pa na makapagsumite ng kaukulang dokumento ang ibang naulila.

Matatandaang nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte at kinalampag ang DOH nang malaman na hindi pa naibibigay ang kaukulang benepisyo para sa mga frontliner na nagkasakit o nasawi sa COVID-19 pandemic.

Nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act ang pagkakaloob ng benepisyo simula Pebrero 1 sa mga naulila ng mga health worker gayundin sa mga nagkasakit ng COVID-19 habang tinutupad ang kanilang tungkulin.

Tatanggap ng P100,000 ang mga healthcare worker na nagkasakit ng COVID-19 habang P1 milyon naman para sa mga naulila.

Matatandaang sinisi ni Duque ang kanyang mga tauhan sa pagkaantala ng pagbibigay ng naturang benepisyo.