Wala si Stephen Curry, nagkakalat ang Golden State Warriors.

Kahit sina Kevin Durant at Klay Thompson, hindi maisalba ang Warriors na 2-5 na sapul nang ipahinga ni Curry ang strained groin na nakuha sa laro kontra Milwaukee noong Nob. 8.

Huling tumikim ng talo ang Warriors noong Miyerkoles nang i-bully ng Oklahoma City, 123-95.

Kontra Thunder, 43 percent lang mula sa floor ang Golden State, na-outscore sa fourth quarter, 36-16.

Hindi pumapasok ang tira ng Warriors, malabnaw ang opensa. Wala si Curry sa lineup, isinusubo lang nila ang bola kay Durant sa post.

Pero kapag minamalas si Durant, hindi na makakuha ng quality looks ang ibang kakampi.

Nag-a-average si Durant ng 27.9 points per game, pero 41 percent lang siya mula sa floor at 18 percent sa 3-point range. Si Thompson ay 27 percent lang sa 3-pointers sapul nang mawala si Curry.

Hindi pa sigurado kung makakabalik na si Curry bukas kapag ini-host ng Warriors ang Sacramento Kings sa Oracle Arena.