Ibinalik ni Klay Thompson ang sarili niyang mintis 5 seconds na lang sa laro, umiskor si Kevin Durant ng season-high 44, at kumapit ang Golden State Warriors para ipreserba ang ga-buhok na 117-116 win kontra Sacramento Kings Sabado ng gabi.

Nagdagdag pa si Durant ng 13 rebounds at 7 assists, tumapos si Thompson ng 31 points. Pangalawang sunod na gabi na nag-deliver ng 30-point games ang dalawa.

Wild finish ang laro base sa mga naganap sa final seconds.

Jump ball sina Durant at Willie Cauley-Stein papaubos na ang oras, tinapik ni Durant ang bola sa backcourt sabay sa pagtunog ng buzzer. Sa replay para rebisahin kung pasok sa oras ang tawag ng timeout ng Kings, binigay sa kanila 0.3 seconds na lang.

Tumawag din ng time ang Warriors pagkatapos, at hindi na nakadiskarte ang Sacramento.

“I just tried to tip it as far away from their basket as possible,” ani Durant.

Si Thompson, wala nang pakialam kung na-foul sa follow-through. Ang mahalaga ay pumasok ang kanyang putback na naging game-winner.
“You’ll take a game-winner any way you can get it, I don’t care how ugly it is,” aniya.

May 28 points at 7 rebounds si Buddy Hield, umayuda si rookie Marvin Bagley III ng 20 points at season-best 17 rebounds sa Kings. Kaya lang, sablay ang unang free throw ni Bagley 1:08 sa laro.

Mula sa field ay 12 of 26 si Thompson kabilang ang limang 3-pointers. Wala sa pangsiyam na sunod na laro ang Splash Brother niyang si Stephen Curry na nagpapagaling pa ng strained left groin. Absent din si Draymond Green (sprained right toe).