Duremdes may warning kay Parks

Binalaan ni Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) commissioner Kenneth Duremdes si Bobby Ray Parks, Jr. sa mga pahayag nito laban sa tawag ng mga referee sa kanyang unang laro sa liga.

May nakahanda na umanong mabigat na parusa para sa 25-anyos na si Parks kung mauulit pa ang insidente nang nagpakawala ng maaanghang na pahayag si Parks kontra sa mga referee.

“While it’s true that everyone can express their opinion, please bear in mind that you are now part of the MPBL family, hence, as a player, you need to abide by the league rules and regulations. You are now representing MPBL,” ayon sa sulat ni Duremdes para kay Parks.

Nag-ugat ang problema sa apat na offensive fouls na ipinito kay Parks sa pagkatalo ng kanyang koponan na Mandaluyong El Tigre kontra Muntinlupa Cagers, 74-86, nitong Martes.

Kaagad namang humihingi ng dispensa ang dating NBA D-League player sa socmed at inamin nito ang kanyang pagkakamali.

“It takes a real man to apologize for his actions. So I’ll be a man and own up and say sorry,” ayon sa Twitter post ni Parks. (Ray Mark Patriarca)